2 miyembro ng ‘Basag Kotse Gang’, napatay
MANILA, Philippines - Dalawang hinihinalang miyembro ng kilabot na “Basag Kotse Gang” ang napatay makaraang manlaban umano sa mga operatiba ng Quezon City Police District-Anti Carnapping Unit (QCPD-ANCAR) habang inaaresto matapos na karnapin ang kotse ng isang dalaga sa Barangay UP Village kahapon ng madaling araw.
Ang mga napatay na suspek ay inilarawan sa pagitan ng 25-30 anyos, may taas na 5’5” at 5’7”, may tattoo ang isa na “Roxan Do Or Die” sa dibdib, habang “Andok” naman sa likurang bahagi ng katawan ang isa na pawang mga nakasuot ng kulay itim na jacket, at itim na short at maong pants.
Base sa ulat, nangyari ang insidente sa may tabi ng National Housing Authority (NHA) sa kahabaan ng Maharlika St., Brgy. Old Capitol Site, QC, dakong ala-1:00 ng madaling araw.
Bago ito, kasalukuyang nagpapatrulya sa Maginhawa St., Brgy. UP Village QC ang tropa ng ANCAR sa pangunguna ni PO3 Roderick Montella nang mapuna ng mga ito ang dalawang suspek na sakay ng isang motorsiklo na walang plaka at huminto sa tabi ng isang nakaparadang KIA RIO na may conduction sticker na (CF-7740) sa harap ng isang construction supply.
Mula dito ay bumaba ang backrider ng naturang motorsiklo saka hinataw ang kanang bahagi ng harapan ng bintana ng kotse saka nilimas ang mga items na nasa loob nito, bago sumakay sa kasamang nasa motorsiklo at sumibat patungong Masaya St., UP Village.
Agad na kumilos ang mga operatiba ng ANCAR at sinenyasan ang mga suspek na huminto, ngunit sa halip na sumunod ay humarurot ang mga ito palayo sanhi upang mauwi sa habulan.
Nang makorner ng mga operatiba ang mga suspek sa tabi ng NHA bldg., Brgy. Old Capitol ay nanlaban umano ang mga ito hanggang sa mauwi sa putukan at sila’y masawi.
Narekober sa lugar ang isang Honda XRM; dalawang kalibre .38; pitong piraso ng side mirrors; itim na bag; isang pares ng sapatos; SSS at BIR ID na may pangalang Andrea Madrigal; isang IPOD; isang head set; cash na P212.00; at limang piraso ng basyo ng bala.
Lumutang naman sa himpilan ng pulisya si Andrea Madrigal, 26, dalaga, entrepreneur ng Tondo Manila at positibo tinukoy na pag-aari niya ang mga narekober na gamit gayundin ang KIA RIO na pinagnakawan ng mga suspek.
Kuwento ni Madrigal, ipinarada umano niya kasama ang kaibigan ang kanyang sasakyan sa harap ng construction supply sa Maginhawa St., Brgy. UP Village, saka nagtungo sa isang bar dakong alas-12:10 ng madaling araw.
Makalipas ang ilang minuto pagkabalik umano nila sa lugar ay nadiskubre na lang na basag na ang kanyang kotse at nawawala na ang kanyang mga gamit sa loob nito.
- Latest