5 huli sa buy-bust sa QC
MANILA, Philippines – Arestado ang limang katao sa isinagawang buy- bust operation ng mga elemento ng Quezon City Police District (QCPD) Station 4 sa Novaliches Quezon City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni Supt. Mark Young, hepe ng QCPD Station 4 ang mga nahuling sina Agosto “Kiko” Cortez, Maribeth Albano, Melody Sudla, Bryan Ramos at Marvin Vitor.
Nakatakas naman ang lider ng grupo na si Michael dela Cruz.
Ayon kay Young matagal na nilang sinusubaybayan ang grupo kayat nang magkaroon ng pagkakataon ay nahuli rin ang mga ito.
Anya, unang nakipag transaksiyon kay dela Cruz ang kanyang tauhan na nagkunwaring buyer ng shabu.
Nang magkasundo, si Cortez naman umano ang nag-abot ng 15 gramo ng shabu sa poseur buyer.
Sa pagkakataong ito ay pinasok ng mga pulis ang bahay ng mga suspek, at dooy naaktuhan pa nila sina Albano, Sudla, Ramos at Vitor na nagsasagawa ng pot session.
Dito nakakumpiska ang mga pulis ng may 200 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P400,000 at ibat-ibang drug paraphernalia.
Naniniwala si Young na malaking grupo ang nahuli, dahil may nakuha silang mga dokumento o remittances paper na nagpapadala ng pera sa kanila mula sa ibang lugar para bumili ng droga.
Hawak na din umano nila ang listahan ng mga parokyano ng grupo, habang inihahanda na nila ang mga kaso na pwedeng kaharapin ng limang suspek.
Patuloy naman ang manhunt sa tumakas na si dela Cruz.
- Latest