Sunog sa Pasig: Mag-lola patay
MANILA, Philippines - Patay ang maglola nang makulong sa loob ng kanilang nasunog na bahay sa Brgy. Caniogan, Pasig City, kamakalawa ng gabi.
Nakaligtas pa sana sa sunog ang biktimang si Kristine Joy Caturan, 12, dahil nakababa na ito ng kanilang tahanan, ngunit bumalik ito sa second floor ng kanilang bahay upang iligtas sana ang kanyang lolang si Miraflor Aturan, 75, ngunit kapwa na sila nakulong sa malakas na apoy at kapwa nasawi.
Ayon kay Fire Senior Inspector Anthony Arroyo, da-kong alas-10:57 ng gabi kamakalawa nang magsimula ang sunog sa ikalawang palapag ng tahanan ng mag-lola sa 18-A Kasikatan Street, Brgy. Caniogan.
Tinangka pa umanong iligtas ang mga biktima sa pamamagitan nang pag-akyat ng bubong ngunit hindi na rin nasagip ang mga ito.
Umabot lamang ng unang alarma ang sunog at naa-pula matapos ang 20-minuto kaya’t wala nang iba pang bahay na nadamay dito.
Sinabi naman ni Fire Senior Inspector Anthony Arroyo, arson investigator ng Bureau of Fire Protection (BFP-Pasig), na posibleng napabayaang kandila ang pinagmulan ng apoy dahil limang taon na umanong walang kuryente sa tahanan.
“Limang taon nang walang kuryente. Sa second floor lang nasunog, ‘‘di umabot sa first floor,” ani Arroyo.
Sa pagtaya ng mga imbestigador, umabot sa P600,000 ang halaga ng pinsala sa sunog.
- Latest