Traffic advisory para sa bar exam, inilabas ng MDTEU
MANILA, Philippines - Inilabas ng Manila District Traffic Enforcement Unit ang kanilang traffic advisory para sa apat na Linggo ng Nobyembre na magsisimula bukas sa paligid ng University of Sto. Tomas (UST) sa Maynila.
Sarado sa Nobyembre 6, 13, 20 at 27, 2016, ang kahabaan ng Dapitan mula Lacson hanggang P. Noval Street mula 10:00 ng umaga hanggang 1:00 ng hapon, gayundin ang westbound ng España Boulevard mula P. Noval Street hanggang Morayta, mula naman 5:30 ng madaling araw hanggang 7:30 ng umaga.
Hindi rin maaaring daanan ang westbound ng España Boulevard mula 3 ng hapon sa Nobyembre 27, na siyang huling araw ng eksaminasyon.
Sa re-routing scheme ng MDTEU ang mga sasakyang dadaan sa kahabaan ng Dapitan patungo sa Quiapo, ay maaaring kumanan sa Lacson, kaliwa sa Aragon Street, patungong A. Mendoza hanggang sa kanilang destinasyon habang ang lahat naman ng sasakyan na mula sa Nagtahan via Lacson at nais dumaan sa Dapitan Street, ay maaaring dumiretso at kumaliwa sa Aragon, diretso sa A. Mendoza hanggang sa lugar na patutunguhan nito.
Hindi rin papayagan ng MDTEU, ang mga motorista na magparada ng mga sasakyan sa westbound lane ng España Boulevard mula sa Lacson Avenue hanggang P. Noval at southbound lane ng A.H. Lacson mula Dapitan Street hanggang sa España Boulevard.
Inabisuhan pa ng MDTEU, ang mga motorista na planuhin ang biyahe sa mga naturang araw at humanap na lamang ng alternatibong ruta, upang hindi maipit sa masikip na daloy ng trapiko.
- Latest