Chinese national, 1 pa tinumba ng riding in tandem
MANILA, Philippines – Patay ang isang Chinese national at isang binata nang pagbabarilin ng riding in tandem sa Maynila at Quezon City kamakalawa ng gabi.
Kasama ang kanyang nobya sa sasakyan nang ratratin ng dalawang riding in tandem sa Tomas Mapua st, Binondo, Maynila, si Shi Hua Tian, 28, alyas “ Andy”, ng no. 423 Jose Abad Santos St., Binondo, Maynila. Hindi na ito umabot ng buhay sa Metropolitan Medical Center dahil sa mga tinamong bala sa katawan.
Inilarawan ang mga suspek na pawang nakasuot ng mga bonnet sa mukha habang nakasuot ng kulay itim at pula na pang-itaas na lulan ng dalawang motorsiklo.
Sa ulat ni PO3 Ryan Jay Balagtas ng Manila Police District-Homicide Section, naganap ang insidente dakong alas-11:15 ng gabi (Setyembre 17), sa tapat ng Blue Lane Hotel sa T. Mapua St., malapit sa Ongpin st.
Posibleng target na patayin ang biktima dahil ang babaeng nobya umano na si Dony Ya Lin ay hindi naman tinamaan na sakay din ng minamaneho ng biktima na Honda Civic Sedan na kulay puti at may plakang AAW-312.
Samantala, dead-on-the-spot naman ang biktimang si Ian Carlos Adipen, ng no. 21 Quail St., Area 2 Veterans, Brgy. Bagong Silangan QC, ayon kay PO2 Rhic Roldan Pittong, may-hawak ng kaso.
Nangyari ang insidente sa may harap ng tinutuluyan ng biktima malapit sa computer shop, dakong ala-1:45 ng hapon.
Sabi ng isang Kerwin Magdoza, nasa loob sila ng computer shop ng biktima nang pumasok ang dalawang lalaki at puwersahang inimbitahan ang huli sa labas.
Ilang sandali, nakarinig na lang umano ng mga putok ng baril si Magdoza at nang kanyang tignan ay saka nakita ang walang buhay na duguang katawan ng biktima habang nakasalampak sa bangketa.
- Latest