‘Erap’ dedo sa tandem
MANILA, Philippines – Isang 39-anyos na miyembro ng ‘Commando gang’ ang nasawi nang barilin ng riding in tandem habang ang una ay nakikipagkuwentuhan sa Tondo, Maynila. Idineklarang dead on arrival sa Mary Johnston Hospital si Elwin Manalang, alyas Erap, ng Sto. Niño St., Tondo sanhi ng tama ng bala sa sentido at dibdib. Inaalam naman ang pagkakakilanlan sa mga suspek na tumakas matapos ang insidente.
Sa imbestigasyon ni SPO3 Marlon San Pedro ng Manila Police District (MPD)-homicide section, dakong alas-11:20 ng gabi nang naganap ang pamamaril sa panulukan ng Moriones at Sto Niño Sts., Tondo Manila, sakop ng Brgy. 43 Zone 3.
Ayon kay Rey Edward Narrido, 22, binata, nag-uusap sila ng biktima sa likod ng isang nakaparadang jeepney nang dumating ang isang motorsiklo sakay ang dalawang lalaki. Isa ang bumaba at walang sabi-sabing binaril ang biktima. Matapos ang pamamaril ay mabilis na tumakas ang mga suspek. Inaalam pa ng pulisya ang motibo ng pamamaslang.
- Latest


















