2 patay sa hiwalay na sunog
MANILA, Philippines – Dalawa ang nasawi kabilang ang isang lalaki at isang lola habang dalawa pa ang sugatan sa magkahiwalay na sunog na naganap sa Tondo, Maynila at sa Taguig City.
Sa Maynila, dead-on-arrival sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) ang biktimang kinilala lamang sa alyas Jonjon Comandante dahil sa suffocation nang ma-trap sa nasusunog na silid, habang ginagamot sa nasabi ring ospital sina Tristan Villajon, 25, binata at si Lydia Tantiera, 68, na tumalon umano nang mataranta sa nagaganap na sunog.
Sa ulat ni SFO4 Jun-jun Jaligue ng Manila Fire Bureau, dakong alas-7:30 ng gabi nang sumiklab ang sunog sa bahay na pag-aari ng isang Lito Balmaceda sa Int., 2 Morong St., Tondo, Maynila.
Nadamay din ng sunog ang may 15 katabing bahay na tinatayang may nakatirang 30 pamilya.
Patuloy pang inaalam ang sanhi ng sunog na idineklarang under control alas-9:25 ng gabi. Samantala sa sunog na naganap sa Taguig kahapon ng umaga nakilala ang nasawi na si Manuela Buquel, 96, ng Apag St., Brgy. Ususan ng naturang lungsod.
Ayon kay Fire Officer 1 Lady Arcega, ng Taguig City Bureau of Fire Protection, base sa inisyal report, alas-10:45 kahapon ng umaga nang masunog ang bahay ng biktima.
Hindi na nito nakayanan na makalabas sa nasusunog na bahay dahil na rin sa kahinaan.
Umabot lamang sa unang alarma ang sunog at alas-11:11 ng umaga nang ideklara itong fire-out matapos maapula ang apoy nang nagrespondeng mga bumbero.
- Latest