Sa pagbaba ng pasahe sa jeep pasahe sa tricycle, giit na ibaba rin!
MANILA, Philippines – Iginiit kahapon ng Public Commuters Motorists Alliance (PCMA) sa mga local chief executives sa bansa partikular sa Metro Manila na tulungan ang publikong maibaba ang singil sa pasahe sa mga tricycle ngayong naibaba na ang pasahe sa mga pampasaherong jeep dahil sa oil price rollback.
Ayon kay Jessie Santos, national president ng (PCMA), sa ngayon umaabot sa P15.00 ang pinakamababang singil ng mga tricycle drivers sa mga kawawang mga pasahero kahit ilang beses ng bumaba ang presyo ng gasolina.
Kahapon ng madaling- araw muling nag-rollback ng presyo ng gasolina at diesel ang mga kompanya ng langis.
Ayon pa kay Santos dapat bigyan pansin ng mga kinauukulan ang naturang hakbang dahil mas mataas pa ang pasahe sa mga tricycle kumpara sa pasahe sa jeep.
May 60,000 tricycle ang bumibiyahe sa Metro Manila.
Kasabay nito, nagsampa naman ng petisyon ang 1Utak transport group sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na atasan ang lahat ng on-line transportation company tulad ng Uber at Grabcar na bigyang daan ang pagbababa sa singil sa pasahe.
Sinabi ni Atty. Vigor Mendoza, chairman ng 1Utak, dapat ipareho ng Uber at Grabcar ang pasahe sa taxi unit na komokolekta ng P40 flag down rate. Ang Uber at Grab Car ay sumi-singil ng P70 flag down rate at halos triple ang bayad ng pasahero sa mga ito kung umuulan at matindi ang traffic.
Ayon naman kay Atty. Ariel Inton, boardmember ng LTFRB, uupuang mabuti ng ahensiya ang petisyon ng naturang 1 Utak hinggil sa singil pasahe ng Uber at Grabcar.
Wala naman anyang hurisdiksiyon ang LTFRB sa pasahe sa mga tricycle dahil ang nagdedesisyon ng pasahe dito ay mga lokal na pamahalaan na nakakasakop sa ruta ng bawat tricycle
- Latest