Konsehal ng Malabon patay sa ambush!
MANILA, Philippines – Sa kabila nang pinatutupad na Comelec gun ban, patay ang isang konsehal nang tambangan ito ng dalawang hindi pa nakikilalang motorcycle riding-in-tandem sa mismong harapan ng bahay nito sa Malabon City. kahapon ng hapon.
Dead-on-arrival sa Manila Central University (MCU) Hospital ang biktimang si Malabon City 2nd District Councilor Merlin “Tiger” Mañalac. Nagtamo ito ng ilang tama ng bala sa ibat-ibang bahagi ng katawan buhat sa hindi pa batid na kalibre ng baril.
Inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan ng mga suspek at nagsasagawa na ng follow-up hinggil sa insidente.
Sa report ng Malabon City Police, naganap ang insidente alas-4:04 kahapon ng hapon sa harapan ng bahay ng biktima sa Aktibidad St., Barangay Tenejeros ng naturang lungsod.
Nabatid na palabas na sa kanilang tahanan ang konsehal at patungo sana sa isang pagtitipon sa Barangay Acacia nang dumating ang dalawang suspek na armado ng baril at sunud-sunod na pinaputukan ito.
Ilang mga testigo ang nagsabi sa pulisya na bukod sa dalawang salarin, may mga nagsilbi ring lookout ang mga suspek nang maganap ang pananambang.
Ayon kay Bong Padua, tagapagsalita ni Malabon City Mayor Lenlen Oreta, magsasalita sana sa gaganaping pagtitipon ng Pusong Malabon sa pangunguna ng alkalde si Mañalac bago dadalo sa panibagong caucus ng Liberal Party nang mangyari ang pananambang.
Si Manalac ay nasa ikalawang termino pa lamang bilang konsehal ng ikalawang distrito matapos siyang humalili sa napaslang ding kapatid.
Anak siya ni Alfonso “Boyong” Mañalac, ang tinaguriang hoodlum terminator ng Malabon na dati ring isang opisyal ng pulis bago naging konsehal ng lungsod.
Iniimbestigahan na ng pulisya kung may kinalaman sa pulitika ang naganap na pamamaslang sa naturang konsehal.
- Latest