3 palengke ipinasara sa Quezon City
MANILA, Philippines – Tuluyan nang ipinasara ng Quezon City hall ang tatlo sa siyam na private markets sa Balintawak Quezon City, kahapon.
Sa ginanap na press conference, sinabi ni City Market Administrator Lowell Soliven, ang mga isinarang palengke ay ang Cloverleaf market, MC market at Riverview II market na pawang lumabag sa mga batas at patakaran ng pagnenegosyo tulad ng pagiging sub-standard na mga palengke.
Bukod pa sa wala itong mga papeles tulad ng sanitation permit, locational permit,fire safety permit, building permit,discharge permit mula sa LLDA, walang sewerage treatment facility,walang environmental clearance certificate mula sa DENR at walang consumer welfare desk.
“Halos may isang taon na namin silang inaabisuhan pero dahil sa patuloy na pagtanggi na makapag-comply ng mga requirements sa pagnenegosyo ng palengke, minabuti na naming maipasara ang tatlong palengke”, pahayag ni Soliven.
Kaugnay nito, sinabi ni City Administrator Aldrin Cuna na may 2 araw ang tatlong naipasarang mga palengke para mag-comply sa mga reglamentos pero kung hindi magawa, bukod sa pagsasara ng palengke ay may kaukulan pang penalty na babayaran ang mga may-ari nito.
“May ginagawa nang hakbang ang QC government para ma-develop at mapaganda ang ating mga palengke at may ilan din sa mga city-owned markets ay planong isailalim sa Public-Private-Partnership (PPP) para sa kapakanan ng mga consumers”, dagdag pa ni Cuna.
May 43 privately-owned market sa lungsod bukod pa ang 8 palengke ang pagmamay-ari at pinangangasiwaan ng QC government.
Sinabi din ni Cuna na hindi naman pinapayagan ang mga apektadong magtitinda na maglagay ng puwesto sa mga sidewalks dahil makaka abala ang mga ito sa daloy ng trapiko at illegal ito.
- Latest