Prusisyon ng Nazareno gagawin sa Huwebes
MANILA, Philippines – Nag abiso ang Plaza Miranda Police Community Precinct at pamunuan ng Quiapo Church sa mga deboto ng itim na Nazareno sa pagbabago ng petsa at ruta ng thanksgiving procession sa Bagong Taon.
Nabatid na sa halip na Biyernes, Enero 1, gagawin na sa Huwebes, Disyembre 31 ng madaling araw ang thanksgiving procession.
Ayon kay Chief Insp. John Guiagui, hepe ng Plaza Miranda PCP, hindi idadaan sa Carlos Palanca ang imahen dahil sa masasagasaan nito ang mga temporary stall sa Quinta Market na under renovation sa ngayon.
Ipinasya na mula Plaza Miranda ay kakanan ang Nazareno patungong Recto sa halip na kumaliwa patungong Carlos Palanca na nakasanayan.
Aniya, si Monsignor Hernando Coronel, rector ng Minor Basilica of the Black Nazarene, ipinasya na nilang gawin sa Huwebes ang prusisyon dahil na rin sa usapin ng seguridad.
Nagiging isyu din ang tambak ng basura at mga paputok sa kalsada matapos ang salubong sa Bagong Taon.
Nanawagan naman siya sa mga debotong sumunod sa bagong ruta.
- Latest