2 kelot kalaboso sa pekeng pera
MANILA, Philippines – Hindi na nakalusot pa ang pagtatangka ng dalawang lalaki na maipakalat sa merkado ang mga pekeng pera makaraang sila ay maaresto matapos na mabuko ng isang negosyanteng ginang na peke ang ibinayad ng isa sa kanila sa biniling gatas sa tindahan ng huli sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Kinilala ni Supt. Robert Sales, commander ng Quezon City Police District Station 6 ang suspect na sina Mohamad Mamakina, 30, may asawa ng Montalban Rizal at Datu Ali, 50, may asawa ng Barangay Batasan Commonwealth sa lungsod.
Ayon kay Sales, sila ay nadakip base sa reklamo ng isang negosyanteng si Carmen Domingo, may asawa ng Kasunduan St., Bgy. Commonwealth sa lungsod matapos na bumili ang mga ito ng ilang produkto gamit ang pekeng pera.
Sa imbestigasyon, nangyari ang insidente sa may no. 15 Kasunduan St., Barangay Commonwealth ganap na alas-2:30 ng hapon.
Ayon kay PO2 Johny Gallangi, may hawak ng kaso, kasalukuyang nagbabantay sa kanyang tindahan si Domingo nang dumating si Mohamad at nagkunwaring customer at bumibili ng gatas na 320 grams na nagkakahalaga ng P110 at ang perang ibinayad ay halagang P1,000.
Subalit, nang siyasating mabuti ni Domingo ang perang inabot ni Mohamad sa pamamagitan ng machine money detector ay nabatid na isa itong peke dahilan para agad na humingi ng tulong ang una kay SPO1 Rudolf Mhakie ng PS6 at ipinaaresto ang huli.
Sa interogasyon, itinuga ni Mohamad si Ali na siyang pinagkunan niya ng nasabing pera dahilan magsagawa ng follow-up operation ang tropa at maaresto ang huli.
Narekober kay Ali ang anim pang piraso ng pekeng P1,000; 45 piraso ng tig P500 na peke; at 183 piraso pa ng halagang P50.00 na may kabuuang halaga na P31, 150.
Kasong swindling at paglabag sa art. 168 o illegal possesion and use of false treasury or bank notes and other instruments of credit ng revised penal code ang kinakaharap ngayon ng mga suspect.
- Latest