QC fire: 9 patay, 7 sugatan
MANILA, Philippines - Siyam katao ang nasawi habang pito pa ang iniulat na nasugatan matapos sumiklab ang sunog na sanhi umano ng short circuit sa isang barangay sa lungsod Quezon, kahapon ng madaling araw.
Ayon kay Senior Supt. Jesus Fernandez, city fire marshal, kinilala ang mga nasawi na sina Ashley Bulalacao, 2-anyos; Juralyn Bulalacao, 25; Maria Victoria dela Cruz; Omar Gomez, 27; Paul Gomez, 54; Glaiza Gomez, 22; Louie Gomez, 7; Mary Ann dela Cruz, 40; at Elevira dela Cruz, 13.
Habang ang mga sugatan naman ay sina Lino Iglopas, 56, na nagtamo ng 2nd degree burn sa balikat at kaliwang paa; FO3 Florian Almonte, 1st degree burn naman sa kanang siko; Danny Dalimpines, 66 na nagtamo ng 2nd degree burn sa kaliwang braso at siko; Mark Micheal Villaraiz, 31, galos sa kaliwang hita at nabali ang kanyang kaliwang paa; Francis Borleo, 20, galos sa kaliwang hita at maliit na paso sa kaliwang balikat; Dante Dalumpines, 30, 1st degree burn sa batok at pulso; at Leonal Garcia, 64, mga paso sa kaliwa at kanang hita at hiwa sa paa.
Sabi ni Fernandez, pawang sunog na sunog ang mga nasawi na halos hindi na makilala.
Sa imbestigasyon ng BFP, nangyari ang insidente sa may 12th St., Brgy. Damayan Lagi, ganap na alas- 12 ng madaling araw partikular sa tatlong palapag na bahay na pag-aari ng isang Elsa Jama.
Sabi ni Fernandez, posibleng mula sa jumper ng kuryente nagmula ang apoy na nag-short circuit at nag-overload kaya sumiklab.
Dahil gawa lamang sa light materials ang mga bahay kung kaya mabilis na kumalat ang apoy hanggang sa tuluyang madamay ang mga kadikit na bahay.
Pasado alas-3 ng madaling araw nang ideklarang fire out ang sunog na umabot lamang sa ikalawang alarma. Sa isinagawang mopping operation ay doon natuklasan ang mga sunog na bangkay ng mga biktima.
Nasa 50 bahay ang naabo sa sunog at umabot sa 120 pamilya ang nawalan ng tirahan, habang tinatayang aabot sa P250,000 ang halaga ng ari-ariang naabo rito. Sa kasalukuyan, patuloy ang imbestigasyon ng BFP sa nasabing insidente.
- Latest