144 arestado sa ‘One Time Big Time Operation’ sa SPDO
MANILA, Philippines – Nasa 144 kriminal ang pinagdadampot sa isinaga- wang “One Time Big Time Operation” ng pulisya sa Southern Metro Manila.
Kahapon ng umaga ay iprinisinta ni Chief Supt. Henry S. Ranola Jr., director ng Southern Police District Office ang mga naarestong suspek.
Ayon kay Ranola, 49 sa mga ito ang sangkot sa droga, 41 ang may warrant of arrest at 54 ang sangkot sa iba’t ibang krimen. Isinagawa ang operasyon sa lungsod ng Parañaque, Pasay, Las Piñas, Muntinlupa, Makati, Taguig at sa bayan ng Pateros.
Nakakumpiska ang mga awtoridad ng 56 plastic sachet na shabu, 7 baril, 1 MK 2 grenade, 1 M26 na grenade at iba’t ibang patalim.
Habang 57 motorsiklo na hinihinalang nakaw ang nasamsam din sa isinagawang operasyon.
Karamihan sa mga naaresto ay nasa listahan ng mga most wanted criminals.
Ayon kay Ranola, mas lalo pa nilang paiigtingin ang kanilang operasyon laban sa kriminalidad ngayong panahon ng Kapaskuhan.
Pinuri naman ni Ranola ang anim na chief of police sa kanyang nasasakupan dahil sa walang humpay na paghuli sa mga masasamang elemento.
- Latest