2 timbog P9-M shabu nasamsam sa drug bust
MANILA, Philippines – Tinatayang aabot sa P9 na milyong halaga ng shabu ang nasamsam ng mga operatiba ng Quezon City Police District Anti-Illegal Drugs-Special Operations Task Group (QCPD DAID-SOTG) at ng District Special Operation Unit (DSOU) sa isinagawang buy bust operation sa lungsod kasabay ng pagkakadakip sa dalawang bigtime drug pushers, kahapon ng umaga
Ayon kay QCPD Director Edgardo Tinio, ang nasabing halaga ay katumbas ng tatlong kilo ng shabu na nasamsam sa mga nadakip na mga suspect na sina Paul Co, 44, negosyante, ng Brgy. Bahay Toro Quezon City at Arvin Caray, 38, family driver ng Brgy. Tejeros, Makati City.
Nadakip ang mga suspect ng pinagsanib na puwersa ng DAID-SOTG na pinamunuan ni Chief/ Insp. Enrico Figueroa at ng District Special Operations Unit (DSOU) sa pamumuno naman ni Supt. Jay Agcaoli. Naganap ang pag-aresto matapos ikasa ang buy-bust operation sa V. Luna Avenue at Mapagbigay St., Brgy. Pinyahan sa lungsod ganap na alas-5:45 ng umaga.
Nabatid na halos dalawang linggo nang minanmanan ang mga suspect dahil sa impormasyon kaugnay sa pagiging ‘tulak’ ng mga ito ng shabu, pero masyado anyang madulas dahil madaling nakakatunog kung may mga operatibang sumusunod sa kanila.
Subalit, kahapon ng umaga nang muli silang makipagtransaksyon sa mga suspect para sa pagbili nila ng 1 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P1 milyon ay napapayag ang mga ito kung saan una silang nagkita para sa bentahan sa isang bahagi ng isang mall.
Pero pagsapit sa naturang lugar ay walang naganap na bentahan sa halip ay tinignan lamang ng mga suspect ang dala nilang pera, saka nagpasya na lumipat sa ibang lugar partikular sa V. Luna Avenue at Mapagbigay St., Brgy. Pinyahan kung saan nangyari ang bentahan at pag-aresto sa kanila.
Nasamsam sa mga suspect ang naturang shabu at isang sasakyang Suzuki Swift (JTS-88) na ginamit nila sa operasyon, tatlong piraso ng cellular phones, at ang P10,000 na tig-P1,000 bills na ginawang “boodle money” para mabuo ang halagang P1 million para sa pagbili ng isang kilo ng shabu.
Ang mga suspect ay nakapiit ngayon sa QCPD DAID-SOTG Detention Cell sa Camp Karingal habang inihahanda ang isasampang kasong paglabag sa R.A. 9165 o ang comprehensive dangerous act of 2002.
- Latest