Pagdemolis sa Quinta Market, pahirap sa vendors at mamimili
MANILA, Philippines - Makalipas ang may halos apat na buwan matapos na ipag-utos ni Manila Mayor Joseph Estrada na i-demolish ang Quinta Market upang bigyan daan ang privatization project sa pagitan ng City Government of Manila at Market Life Leasing Corporation, muling sumisigaw ng katarungan ang mga vendors ng naturang palengke.
Sa ginawang pagbisita ni 5th district Congressman Amado Bagatsing sa palengke, sinamahang umikot at ipinakita ng mga opisyal ng Quiapo Public Market Development Cooperative, ang kalagayan ng hindi bababa sa 200 vendors ng Quinta market sa umanoy “mala-kulungan ng manok” na puwesto na pinaglipatan sa kanila ng pamahalaang lungsod ng Maynila.
Sa halos magkakatulad na pahayag nina QPMDC Chairman Arnold Chico, QPMDC Vice-Chairman Edith Santos, at QPMDC General Manager William Magno, isinalarawan ng mga ito ang hirap at epekto na naging dulot ng pagsasapribado ng Quinta Market sa kanilang kabuhayan. Dismayado ang mga vendors ng naturang ginibang palengke dahil sa may halos apat na buwan na umano ng ipag-utos na i-demolish ang kanilang palengke ay iniwan na lamang itong nakatiwangwang.
“Sa liit ng puwesto na pinaglipatan sa amin ay mistulang mga manok kami rito at animo’y kami ay nasa isang oven dahil sa tindi nang init. Giniba yung dating matinong palengke para lang kami pahirapan. Lahat kami dito ay nagkakasakit na dahil sa tindi ng init,” pahayag ni Santos. Samantala, dismayado naman si Bagatsing sa kung papaanong paraan umano minani-obra ng City Government of Manila ang umano’y maliliit na vendors upang bigyan daan lamang ang interes ng mga kaibigang developers.
“Nakakadismaya at kaawa-awa ang ginawa nila sa ating mga vendors dito sa Quinta, Market. Makikita mo rito kung paano nila minani-obra at sinamantala yung sitwasyon ng ating mga kababayang vendors dito. Makikita mo kung papaano nila lalong pinahirapan yung ating mga kababayan dito. Walang sapat na space at ventilation para makakilos at makahinga ng maayos ang ating mga manininda gano’n na rin ang mga mamimili. This time hindi lang yung mga vendors natin ang pinahirapan nila, ngayon kasama na pati yung mga namimili rito. And according pa sa mga natatanggap kong reklamo, maging sa San Andres Market sa Malate ay ganun din ang sitwasyon ng iba pang vendors,” pahayag ni Bagatsing.
- Latest