Lovers’ date, jogging bawal muna sa Manila Bay ngayong APEC week!
MANILA, Philippines – Nanawagan kahapon si Mayor Joseph “Erap” Estrada sa mga Manilenyo at sa publiko na ipagpaliban muna ang anumang planong mag-jogging, magbisikleta, maligo o mag-‘date’ sa bahagi ng Manila Bay sa Roxas Boulevard ngayong APEC Week.
“I am appealing to Manilans and to the public in general to cooperate with the national and city authorities that are working to ensure the safety and security of APEC delegates, spouses and coterie of officials,” paliwanag ni Estrada.
Ayon kay Estrada, manatili muna sa kanilang mga tahanan ang mga mahihilig mamasyal at manood ng sunset sa Manila Bay dahil mahihirapan din silang makarating sa lugar sapagkat karamihang daan ay sarado simula Lunes hanggang Biyernes.
Matatandaan na ipinagbabawal na ang paliligo sa lugar na ito ngunit marami pa ring kababayan partikular yung mga walang pambayad sa resort ang dito pa rin naglulublob upang maibsan ang dinaranas na matinding init ng panahon.
“Kailangang isara pansamantala sa publiko ang lugar na ito bilang bahagi ng pagtitiyak ng seguridad para sa mga delegado ng Apec at kanilang mga kasamang asawa at mga opisyal,” sinabi ni Estrada.
Ayon din kay Johnny Yu, hepe ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), ang pagbabawal sa mga aktibidades ay alinsunod sa atas ni Mayor Estrada at sa national authorities, pansamantalang isasara namin ang Roxas Boulevard sa vehicular traffic at foot traffic.
Ang hakbangin, sinabi ni Yu, ay kabilang sa mga inirekomenda ng Manila Traffic Bureau at Manila Police District dahil nasa bisinidad nito ang ilang susing establisimyento tulad ng US Embassy at mga hotel na tutuluyan ng mga delegado ng Apec at kanilang grupo.
Dagdag niya, una na ring idineklarang “No-Walk zone” ang bahagi ng Roxas Boulevard noong nagdaang pananalasa ng mga bagyong ‘Glenda’ at ‘Lando’ na nagdulot ng malalakas na pag-alon mula sa Manila Bay.
- Latest