MRT-3 nagka-aberya ulit
MANILA, Philippines – Sinalubong ng panibagong aberya ang mga commuter ng Metro Rail Transit (MRT-3) kahapon ng umaga.
Pasado alas-6:00 ng umaga nang ianunsyo ng mga tauhan ng MRT-3 na limitado lamang ang kanilang operasyon o sa pagitan lamang ng North Avenue Station at Shaw Boulevard Station.
Dismayado naman ang mga pasahero na ang iba ay napilitan na lamang sumakay ng mga pampasaherong bus upang hindi mahuli sa pagpasok sa kani-kanilang trabaho.
Ang ibang pasahero naman ay matiyagang pumila at naghintay sa pila kahit walang kasiguruhang ibinigay ang mga tauhan ng MRT-3 kung kailan maibabalik sa normal ang operasyon ng mga tren.
Lalo namang humaba ang pila sa mga istasyon pagsapit ng alas-7:50 ng umaga, nang ianunsyo ng mga tauhan ng MRT-3 na balik na sa operasyon ang mga tren nila.
Ayon naman kay Transportation and Communication Secretary Joseph Emilio Abaya, nagkaroon ng hairline fracture sa riles malapit sa Taft Avenue Station, na na-detect ng sistema.
Dahil dito, kinailangang magpatupad ng provisional service mula North Avenue hanggang Shaw Boulevard lamang.
Matatandaang dumanas din ng technical glitch ang isang tren ng MRT-3 sa North Avenue Station nitong Lunes kasabay nang imbestigasyon ng Senado sa tunay na estado ng mass rail transit.
- Latest