Tamad na kawani sa Parañaque, binalaan
MANILA, Philippines – Nagbigay babala kahapon si Parañaque Mayor Edwin Olivarez sa mga kawani ng city hall na ‘natutulog sa pansitan’ at mga sangkot sa anomalya na kanyang sisibakin sa pwesto anumang oras kapag napatunayan.
Ito ang naging warning ni Olivarez matapos ipaalam sa kanya ng personnel department na ang public information office at ang city traffic management office ay negative ang kanilang office performance sa nakalipas na tatlong taon.
Sa rekomendasyon ng personnel department, napapanahon na raw na dapat mag-reshuffle si Olivarez ng kanyang mga department heads dahil karamihan dito ay mga “non-performers”.
Sa 24 na city offices, napag-alaman na ang PIO at TMO ang walang ma-isubmit na annual accomplishment report simula nang umupo si Olivarez noong 2013.
Nauna rito, nangako si Olivarez sa harap ng mga kawani na agad niyang aalisin sa pwesto ang sinumang empleyadong sangkot sa tinaguriang “Baclaran 7”, sindikato na humihingi ng tong sa mga illegal vendors sa Baclaran.
Dahil din sa kapabayaan ng TMO, napakatindi pa rin ang trapiko sa Barangay Baclaran, lalo na kapag Miyerkules kapag may misa sa Redemptorist, dahil sa napakaraming illegal jeep at bus terminal.
- Latest