67 suspek tiklo sa “one time big time” ng NPD
MANILA, Philippines – Nasa 67 pinaghihinalaang mga kriminal kabilang ang siyam na wanted sa batas ang naaresto ng Northern Police District sa ikinasang “one time big time operation” nitong nakalipas na Biyernes.
Sinabi ni NPD Director, Chief Supt. Eric Serafin Reyes na nagsagawa ng sabay-sabay na “anti-crime operations” ang Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela City Police mula alas-3 ng Biyernes ng hapon hanggang alas-12 ng hatinggabi.
Nakumpiska rin sa mga operasyon ang 12 plastic sachet ng iligal na drogang shabu, limang kalibre .38 na baril na may 13 bala, isang granada, isang balisong, 12 motorsiklo na hinihinalang karnap, at limang makina ng video karera.
Naaresto ng District Special Operations Unit (DSOU) ang tatlo katao kabilang ang isang Most Wanted habang tatlong baril ang nakumpiska. Pito katao naman ang nasakote ng District Anti-Illegal Drugs unit (DAID) at walong sachet ng shabu ang nakumpiska.?
Sa Caloocan City, 10 katao ang naaresto sa iba’t ibang paglabag sa batas habang 11 motorsiklo ang narekober, isang granada at limang videokarera.
Nasa 17 katao kabilang ang 3 wanted persons ang nadakip ng Malabon City Police dahil sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, tatlong sachets ng shabu ang nakumpiska. Nasa 11 katao rin ang inaresto dahil sa paglabag sa ordinansa ng lungsod at isang kalibre .38 baril ang nakumpiska.
Sa Navotas City, 22 katao ang dinakip sa anti-illegal drugs operations kabilang ang Top 3 Most Wanted sa lungsod. Nakarekober rin ng isang nakaw na motorsiklo at isang balisong.
Walo katao kabilang ang isang wanted person ang nadakip ng Valenzuela City Police sa kanilang mga operasyon. Apat na sachet ng shabu, isang kalibre. 38 baril at apat na bala ang kanilang nakumpiska.
- Latest