Salvage victim, itinapon sa estero
MANILA, Philippines - Isang hindi pa kilalang lalaki na pinaniniwalaang biktima ng summary execution ang natagpuang nakasilid sa isang itim na plastic bag at itinapon sa Estero de Sunog Apog, sa Bukid Paulino Extension, Balut, Tondo, Maynila, kahapon ng umaga.
Inilarawan ang biktima na nasa edad 30-35, may taas 5’2-5’4, may tattoo na dragon at tribal sa braso, at may tattoo din na “JDC Mando” at “Xandrex” sa kanang bahagi ng dibdib.
Sa ulat ni SPO2 Jonathan Bautista ng Manila Police District-Homicide Section, alas-6:00 ng umaga nang makita ng isang basurero ang nasabing plastic bag at naisipang kalkalin kung saan nagulat ito nang unang lumabas sa plastic ang kaliwang binti.
Agad niyang ipinagbigay-alam ito kay Barangay Kagawad Glorioso Ramirez kaya inireport naman sa MPD.
Nakabaluktot ang bangkay ng lalaki kung saan nakitaan ito ng tama ng bala ng baril sa dibdib.
Dinala ang bangkay sa St. Yvan Funeral para sa awtopsiya at safekeeping.
- Latest