Ginang timbog sa mga pekeng BIR ID card
MANILA, Philippines - Kulungan ang bagsak ng isang 46-anyos na ginang makaraang arestuhin ng awtoridad dahil sa pamemeke ng identification card ng Bureau of Internal Revenue sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Sa ulat ng Quezon City Police District Station 10, nakilala ang suspect na si Mardivic Calayo, vendor ng Brgy. Pinyahan sa lungsod.
Ito ay dinakip base sa reklamo ng BIR sa pangunguna ng representante nitong si Enrico Adriano, 42, ng Pandi Bulacan, kaugnay sa iligal na operasyon ng una.
Nangyari ang pag-aresto sa may kahabaan ng East Avenue, Barangay Pinyahan, ganap na alas-2 ng hapon.
Bago ito, naalarma ang pamunuan ng BIR dahil sa reproduction ng ID card ng kanilang commissioner nang hindi nila batid kung saan nagmumula.
Dahil dito, inatasan ng BIR si Adriano na magsagawa ng beripikasyon at surveillance sa lugar hanggang sa matumbok nito ang ginang.
Agad na humingi ng tulong si Adriano sa PS10 sa pangunguna nina PO2 M. Tagulao, PO1 R. Orejas at PO1 R. Ramos at nagsagawa ng operasyon kung saan nagkunwari ang una na isang kliyente na magpapagawa ng ID sa ginang na siyang dahilan para maaresto ang huli.
Nasamsam din sa suspect ang isang type writer, un laminated ID card na may kahalintulad ng numero, at assorted stamp pad na ginagamit umano nito sa kanyang iligal na aktibidad.
Kasong falsification of public documents ang kinakaharap ngayon ng ginang.
- Latest