‘Sputnik’ itinumba sa harap ng computer shop
MANILA, Philippines – Patay ang isang hinihinalang miyembro ng ‘Sputnik’ makaraang pagbabarilin sa harap ng isang computer shop sa Brgy. Tandang Sora, lungsod Quezon, kahapon ng madaling araw.
Ayon kay PO2 Jerome Dollente, imbestigador, wala silang nakuhang pagkakakilanlan sa biktima maliban sa pagsasalarawan sa edad nitong nasa pagitan ng 30-35-anyos, nakasuot ng kulay asul na t-shirt, asul na jacket, at asul na maong pants, may tattoo sa dibdib na “Jhonaline”, “Ringor”, “Crista Reyes”, “Bernadette” at “Sputnik”, habang sa likod naman ay markang “Joey”, “Eric”, at “James”.
Blangko naman ang awtoridad sa pagkakakilanlan ng salarin dahil wala naman umanong nakasaksi sa pamamaril sa biktima.
Sa imbestigasyon, nangyari ang insidente sa harap ng Meet-Upps Internet cafe na matatagpuan sa Mercury St., kanto ng Neptune St, Congressional Subdivision ng nasabing barangay ganap na ala-1 ng madaling araw.
Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa crime scene narekober sa lugar ang apat na basyo at dalawang tingga ng kalibre 45 baril na maaaring ginamit sa pagpaslang sa biktima.
Patuloy na inaalam ng otoridad ang motibo ng nasabing krimen at ang pagkatao ng suspect.
- Latest