Humarang sa pag-aresto, mag-iina kulong
MANILA, Philippines – Dahil sa tangkang pagharang upang arestuhin, kalaboso ang isang ina kasama ang dalawa nitong anak matapos harangin ang isang pulis Maynila na nagtangkang humuli sa isa pang anak nito dahil sa cara y cruz, kamakalawa ng gabi sa Sampaloc, Maynila.
Obstruction of Justice, robbery at direct assault ang kinakaharap ngayon ng mag-iinang sina Rosario, 50; Angelica, 26 at Israel dela Cruz, 27, pawang residente ng 1036 Paquita St. Sampaloc, Maynila at ngayon nakapiit sa Manila Police District-Police Station 4.
Pinaghahanap pa ang isa nitong anak, na si Leopoldo dela Cruz, 23, anak ni Rosario matapos na makatakas kay PO3 Noel Mabini na unang umaresto sa kanya matapos na mahuling nagka cara y cruz sa kalsada.
Ang mag-iina ay inireklamo ni Mabini matapos na siya ay harangin at suntukin ni Israel dahilan para mawala ang kanyang service firearms na 9mm, cellphone, wrist wratch at dalang flashlight na nagresulta para makatakas ang kapatid nitong si Leopoldo.
Sinabi ni SPO3 Noel Jesus Carlos, dakong alas- 10:30 ng gabi nang makatanggap sila ng tawag sa telepono mula sa isang concerned citizen na nagrereklamo kaugnay sa grupo ng kalalakihang maiingay na nagka-cara y cruz sa may Paquita St.
Nagresponde sa lugar si Mabini at PO1 Eduardo Layola Jr. para berepikahin ang sumbong at para hindi mabulabog ay sumakay ang dalawa sa isang tricycle at dito nila napatunayan na positibo ang sumbong.
Nang bumaba sa tricycle ang dalawa nagkanya-kanyang pulasan ang mga nagsusugal pero nahawakan ni Mabini sa short si Leopoldo na sa kabila nang pagpupumiglas ay hindi nakatakbo.
Dadalhin na sana sa presinto si Leopoldo nang dumating si Rosario at mga kapatid nito kung saan hinarang si Mabini para hindi madala sa presinto si Leopoldo.
Nabatid na sinabihan umano ni Israel si Mabini na bitawan ang kanyang kapatid, kasunod nun ay hinawakan siya sa braso at pinilipit at saka pinagsusuntok dahilan para makawala si Leopoldo at makatakbo.
Nakatawag naman ng back-up si Layola dahilan para maaresto si Angelica at Israel.
Naaresto naman si Rosario matapos nitong pumunta sa MPD-PS 4 para dalawin ang kanyang mga anak na inaresto.
- Latest