Hindi gumamit ng overpass, kelot lasog sa taxi
MANILA, Philippines - Nauwi sa kamatayan ang hindi paggamit sa overpass ng isang obrero makaraang salpukin siya ng humahagibis na taxi sa Quezon City, kahapon ng hatinggabi.
Base sa report ni P/Supt. Ely Pintang, hepe ng Quezon City District Traffic Enforcement Unit (QCDTEU) ang biktima ay kinilalang si Noel de Guzman, 35, ng Brgy. San Jose, Rodriguez, Rizal.
Si De Guzman ay idineklarang dead-on-arrival sa East Avenue Medical Center (EAMC) dahil sa tinamong pagkabagok ng ulo at pagkalasog ng katawan.
Kusa naman sumuko ang suspek na si Rodrigo Magtalas, 59, driver ng ER Taxi (AA1-9002) at nakatira sa Bagong Barrio, Caloocan City.
Naganap ang insidente dakong alas-12:00 ng hating gabi sa kahabaan ng Edsa.
Matulin umanong tinatahak ng minamanehong taxi ni Magtalas ang north bound EDSA at pagsapit sa kanto ng Quezon Avenue sa tapat ng Eton Centris Mall, bigla na lamang tumawid sa ilalim ng overpass si De Guzman at nasalpok ng sasakyan.
Sa lakas ng pagkakasalpok sa biktima, tumilapon ito at nakaladkad ng may sampung metro.
- Latest