Mister patay sa suntok nang nakagitgitan
MANILA, Philippines – Utas ang isang mister matapos siyang pagsusuntukin ng hindi pa nakikilalang suspek na kanyang nakagitgitan sa kalsada sa Pasig City, kamakalawa ng gabi.
Ang biktima na dead on arrival sa pagamutan ay nakilalang si Delio Bathan, 59, ng Mars St. Greenland Village, Brgy Rosario, Pasig City.
Ang suspek na hindi pa nakikilala ay mabilis na tumakas sakay ng kanyang kulay puting Mazda na may conduction sticker na RJ 8178.
Sa imbestigasyon ng Pasig police, nabatid na ang insidente ay naganap dakong alas-10:15 ng gabi sa Ortigas Avenue, Brgy. Ugong sa lungsod.
Ayon sa report, nagkagitgitan ang sasakyan ng biktima na Toyota Vios (TXO-734) at sasakyan ng suspek.
Kapwa bumaba ng kanilang sasakyan ang dalawa at nagkaroon ng mainitang pagtatalo na nauwi sa panununtok ng suspek sa biktima.
Sinabi ng isang cigarrete vendor, hindi tinigilan ng suspek ang kanyang ginagawang panununtok hanggang matumba at bumuwal sa kalsada ang biktima.
Matapos ang panununtok ay mabilis na pinatakbo ngsuspek ang kanyang sasakyan para tumakas.
Dinala naman ang biktima sa The Medical City Hospital kung saan siya idineklarang dead on arrival.
Sa ngayon ay nagsasagawa na ng follow up operation ang mga tauhan ng Pasig police at nakikipag-ugnayan na sa pamunuan ng Mazda Philippines upang mabatid kung sino ang nagmamay-ari ng bagong sasakyan na wala pang plaka na siyang nakagitgitan sa kalsada ng biktima.
- Latest