Kilabot sa Valenzuela nasakote ng pulisya
MANILA, Philippines – Nagwakas na ang maliligayang araw ng isang umano’y kilabot na snatcher matapos itong masakote ng mga awtoridad sa Valenzuela City kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni Police Sr. Supt. Audie Villacin, hepe ng Valenzuela City Police, ang suspek na si Oliver Faingason, 20, ng Compound 2, Sitio Kabatuhan, Barangay Gen. T. De Leon ng nasabing lungsod. Nahaharap ito sa 2 counts of robbery.
Ayon sa ulat ng pulisya, sakay sa pampasaherong jeep ang biktimang si Lourdes Macasaet, 59, sales agent at pagsapit sa Fatima Avenue, Mc Arthur Highway, Barangay Marulas ng nasabing lungsod ay huminto ang sasakyan dahil sa trapik.
Dito, bigla na lamang sumulpot ang suspek at hinablot ang gintong hikaw ng biktima bago mabilis na tumakas habang agad namang nakahingi ng tulong ang ginang sa mga nagpapatrulyang pulis. Sa isinagawang follow up operation ay nadakip ang suspek at kaagad itong dinala sa himpilan ng pulisya at nabawi ang hikaw ng biktima.
- Latest