Ama ng beybi na namatay sa pinadedeng tubig, kinasuhan
MANILA, Philippines – Inihain na ang kasong parricide sa Manila Prosecutor’s Office laban sa isang 36-anyos na ama na sinasabing nagpabaya sa sanggol na anak na nalunod sa ipinadedeng tubig na ikinamatay nito sa Tondo, Maynila, noong nakaraang Huwebes.
Ayon kay SPO2 Donald Panaligan, ng Manila Police District-Homicide Section, siya na ang tumayong complainant laban sa suspek na si Rogin Ramirez, ng Lico St., Tondo, Manila, kaugnay sa pagkamatay ng isa’t kalahating buwang gulang na sanggol na si Regine Ramirez. Paliwanag pa nito, ang kasong parricide ay maaring isampa dahil ikokonsidera itong case versus People of the Philippines.
Gagamiting ebidensiya ang naging autopsy report findings na “Asphyxia by water aspiration” ang ikinasawi ng sanggol.
Isa pang pinagbatayan ang naging testimonya ng pamangkin ng suspek na si Ceejay Briones na nagsabing nang umiiyak ang biktima dakong alas-10:00 ng umaga ay pinadede ito ng suspek ng tubig subalit hindi pa rin tumigil sa pag-iyak kaya ito kinarga at ibinalik sa kama at ang mga sumunod ay hindi na niya nakita dahil lumabas na siya ng bahay.
Nabatid na isinugod pa sa Ospital ng Tondo ang sanggol subalit hindi na ito nailigtas.
- Latest