45% ibinaba sa crime rate sa Taguig
MANILA, Philippines – Bumaba ng 45 porsiyento ang crime rate sa lungsod ng Taguig sa unang anim na buwan ng taon.
Batay sa rekord ng pulisya ang kabuuang bilang ng naitalang krimen sa lungsod mula Enero hanggang Hunyo ng kasalukuyang taon ay 970 na may katumbas na average crime rate na 11.39 percent.
Ang bilang ay mas mababa kumpara sa crime rate na naitala sa parehong panahon noong 2014 na 2,186 o 56.53 porsiyento na average crime rate.
“Alam nating lahat na walang development kung walang peace and order. Ito ang nagsisilbing pundasyon ng progresong tinatamasa ngayon ng Taguig,” sang-ayon kay Mayor Lani Cayetano.
Inihayag naman ni Senior Superintendent Arthur Felix Asis, hepe ng Taguig City Police, na ang malaking pagbaba sa crime rate ay bunsod nang pinaigting na police operation at police visibility gayundin ng suportang ipinagkakaloob ng lokal na pamahalaan at ng publiko.
Sa unang anim na buwan ng 2014, nakapagtala ang Taguig Police ng 113 kaso ng carnapping, 650 kaso ng theft, at 216 kaso ng robbery.
Sinabi ni Asis na sa unang anim na buwan ng taong kasalukuyan, ang mga numerong ito ay bumaba nang malaki kung saan naitala ang carnapping cases sa 34, ang theft ay 117, at 67 kaso ng robbery.
Ipinagmamalaki ni Asis na karamihan sa mga kasong ito ay nalutas at ang mga suspek ay natukoy, naaresto, at nasampahan ng kaukulang kaso.
Kasabay nito, ay pinuri rin ni Mayor Lani ang Taguig Police gayundin ang partisipasyon ng publiko sa pagbaba ng kriminalidad partikular ang mga lider ng barangay, volunteer organizations at iba pang force multiplier.
Iginiit ni Asis na ang pagiging episyente ngayon ng Taguig Police sa pagtupad ng tungkulin ay dahil na rin sa walang sawang suportang ipinagkakaloob ng Cayetano administration.
Sinabi pa ng hepe ng Taguig police na inspirado ang kanyang mga tauhan dahil sa matinding suportang kanilang natatanggap tulad ng naibigay noon ng lokal na pamahalaan na 19 na brand new police mobile patrol vehicle noong pagkaupo pa lamang sa puwesto ni Mayor Lani.
Bukod dito, itinaas ng lokal na pamahalaan ang allowance ng mga pulis na dating P1,000 at ngayon ay 3,000. Yaong mga pulis aniya na tatlong taon nang nakadestino sa Taguig ay kuwalipikado na rin sa scholarship grant ng lungsod kung saan aabot sa P60,000 ang maaaring tanggapin ng pulis sa bawat term.
- Latest