Dating admin ng LRTA, pumalag sa SONA ni PNoy
MANILA, Philippines – Pumalag ang dating administrator ng Light Rail Transit Authority (LRTA) sa paninisi ni Pangulong Noynoy Aquino sa administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa palpak na serbisyo ngayon ng LRT at Metro Rail Transit (MRT-3).
Ayon kay dating LRTA Administrator Mel Robles, mas maraming tren ang bumibyahe noong panahon nila at mas maikli ang pila sa mga istasyon ng tren. Pinuna rin ni Robles ang pagbasura ng gobyerno sa kontrata ng maintenance contractor na Sumitomo dahil sa aniya’y maling pagtitipid ng administrasyong Aquino.
Giit pa niya, hindi niya maintindihan ang pagkuha ng pamahalaan ng mas murang mga kontrata ngunit hindi naman gumagana ang mga ito, kaya’t lumalabas na hindi mahal ‘yun. ‘Yun lamang ang tamang presyo,” paliwanag pa niya. Pinuna rin naman nito ang mataas na pasahe ngayon sa MRT-3 gayung hindi naman gumaganda ang serbisyo ng tren.
Samantala, nakatakda nang ibiyahe patungo sa Pilipinas ngayong araw (Hulyo 29) ang prototype train car para sa Metro Rail Transit (MRT-3) system.
Ayon kay Department of Transportation and Communications (DOTC) Secretary Joseph Emilio Abaya, inaasahang makakarating sa bansa ang prototype sa Agosto 10-14.
Matapos itong i-assemble ay maisasailalim ito sa static testing sa Setyembre at dynamic testing naman sa kalagitnaan ng Nobyembre.
- Latest