357 prangkisa ipinamahagi kolorum na tricycle mawawala sa Maynila-Isko
MANILA, Philippines – Tiniyak ni Manila Vice Mayor Isko Moreno na mawawala na ang kolorum na mga tricycle sa lungsod ngayong naipamahagi na ang 357 prangkisa ng mga tri-wheel.
Ayon kay Moreno, sa prangkisa na ibinigay ng Manila Tricycle Regulatory Office ay unti-unti na ring magluluwag ang daloy ng trapiko lalo pa’t ang mga tri-wheel ang siyang isa sa mga nirereklamo ng mga private utility vehicles.
Hindi umano makilala ang mga lehitimo at kolorum kung kaya’t walang mapanagot sa anumang aksidente.
Nabatid kay Moreno na mayroong mga ruta ang tricycle na naaayon sa kanilang kinaaanibang TODA. May color coding din ang mga tri-wheel sa lungsod.
Hindi umano maaaring pumasok ang mga ito sa anumang TODA dahil iniiwasan ang pagtawid sa mga pangunahing kalsada sa Maynila.
Sinabi naman ni Manila Traffic and Parking Bureau Director Carter Don Logica na handa rin silang imonitor ang mga tri-wheel na lalabag sa ordinansa. Aniya, P500 hanggang P1,000 ang unang multa hanggang sa tanggalan na sila ng prangkisa.
Ang Manila T-Wheel Ordinance ay inakda nina Councilors Robert Ortega at Mon Yupangco.
- Latest