4 timbog sa drug raid
MANILA, Philippines - Apat katao kabilang ang isang babae ang nadakip matapos mahulihan ang mga ito ng droga at baril sa magkakahiwalay na anti-drug operation na isinagawa sa Pasay City Police, kahapon.
Sa ipinarating na ulat ni Pasay City Police Officer-In-Charge (OIC), Senior Supt. Joel Doria kay Police Chief Supt. Henry Ranola Jr., district director ng Southern Police District Office (SPDO), kinilala ang mga naarestong sina Phobe Pilapil alyas Phobe, 29; magkapatid na Ramon, 48 at Celestino Sarraza, 47 at Mark Rivera, alyas Mark., 31.
Base sa imbestigasyon ng pulisya, alas-12:30 ng tanghali, magsisilbi ng search warrant, na inisyu ng Pasay City Regional Trial Court (RTC), Branch 113 ang mga kagawad ng Pasay City Police laban kay Hedeo Tolentino, isa umanong ‘tulak’ at ‘sa Malibay ng naturang lungsod.
Gayunman nang sumalakay na ang mga pulis ay wala si Tolentino at ang kanilang naabutan ay ang live-in partner ni Tolentino na si Pilapil at ang magkapatid na Ramon at Celestino.
Nakumpiska sa mga ito ang isang kalibre .22 baril, mga bala ng kalibre .45 baril at 1 plastic sachet ng shabu, dahilan upang kaagad na dakpin ang mga ito.
Samantalang si Rivera naman ay nadakip alas-7:30 kamakalawa ng gabi sa panulukan ng J. Luna at Cartimar Sts., ng naturang siyudad.
Nakuha naman dito, ang isa pa ring kalibre .22 magnum at isang plastic ng shabu.
Ang mga suspek ay nakakulong ngayon sa Pasay City Police detention cell at nahaharap ang mga ito sa mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Drugs Act of 2000) at R.A. 10591 (Illegal Possession of Fire Arms and Ammunition).
- Latest