‘No registration, no travel policy’ unconstitutional: LTO sinopla ng MMDA
MANILA, Philippines - Dahil labag umano sa Saligang Batas, hindi susundin ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang ipinatutupad na polisiya ng Land Transportation Office (LTO) na “no registration, no travel policy” na sinimulan kahapon ng Miyerkules Santo.
Sa ipinadalang sulat ni MMDA Chairman Francis Tolentino sa LTO, nakasaad dito na ang kautusan aniya ng naturang ahensiya ay unconstitutional, wala sa timing at hindi maka-Kristiyano sa kabila na dagsa ang mga biyahero para magtungo sa mga probinsiya upang doon gunitain ang Semana Santa.
“May mga sasakyan na walang plaka, ’yun ang dapat hulihin dahil may intent na gamitin sa masama siguro ’yun pero ’yung walang plaka dahil hindi ka nabigyan ng plaka ng dealership, wala ka namang intensyon na masama,” pahayag ni Tolentino.
“Sana isinaalang-alang muna ng LTO na Semana Santa ngayon at tulungan muna ang ating mga kababayan at ang kanilang mga pamilya na makabiyahe papuntang probinsiya bago nila ipinatupad ang patakarang ito,” dagdag pa ni Tolentino.
Aniya, dapat i-reconsider ng LTO ang kautusang ito nang sa gayun matulungan ang publiko lalo na ’yung mga magtutungo sa mga probinsiya na magamit ang kanilang mga sasakyan.
Ang naturang polisiya ay pinalagan din ng ilang may-ari ng mga bagong sasakyan, kasabay nang pagsasabing hindi nila kasalanan kung bakit delay ang pagbibigay ng registration sa kanila dahil ang may responsibilidad aniya nito ay ang mismong naturang ahensiya.
- Latest