Bumbero sugatan, 30 pamilya nawalan ng bahay
MANILA, Philippines – Isang bumbero ang sugatan at 30 pamilya ang nawalan ng tirahan nang masunog ang sampung kabahayan, kahapon ng tanghali sa Parañaque City.
Kinilala ang sugatang bumbero na si FO1 Carlo Felisilda na nagtamo ng sugat at paso sa kanang kamay nang mabagsakan nang umaapoy na kahoy.
Ayon kay Chief Inspector Renato Capuz, fire marshall ng Parañaque City Bureau Fire Protection, alas-11:20 ng umaga nang magsimula ang sunog sa bahay ni Monica Abenales sa Brgy. La Huerta ng naturang lungsod dahil sa nakasalang na rice cooker. Mabilis na kumalat ang apoy sa mga katabing bahay at agad na itinaas sa Task Force Charlie ang alarma.
Bagaman sampung bahay lang ang nasunog ay itinaas nila ang alarma dahil sa mga establisimentong katabi ay pawang gawa lamang sa mga light materials.
Halos dalawang oras ang itinagal nang sunog bago tuluyang naapula ala-1:30 kahapon ng hapon.
Habang ang mga pamilyang nasunugan ay pansamantalang dinala muna sa gym ng San Paul High School upang tulungan ng pamahalaang lungsod ng Parañaque.
- Latest