Manila Action Team binuo
MANILA, Philippines - Tiniyak ni Manila Mayor Joseph Estrada na mas madali pang matutugunan ang hinaing at reklamo ng mga Manilenyo sa pagbuo ng bagong tanggapan sa ilalim ng kanyang panunungkulan.
Sa pamamagitan ng nilagdaang Executive Order No. 08, binuo ang “Manila Public Assistance and Action Team” na pamumunuan ni Atty. Ericson Alcovendaz bilang Executive Director, kabilang din sa team Manila City hall detachment at MASA chief, Chief Insp. Bernabe Irinco, Jr.; Dr. Benjamin Yson; Atty. Jose Alberto Flaminiano at Ma. Shielah Lacuna-Pangan.
Layunin ng binuong tanggapan na tugunan ang mga hinaing ng mga residente ng lungsod mula sa paghingi ng ayuda, paghanap ng tamang taong tutulong sa kanilang pangangailangan, pag-uulat ng naganap na krimen o ilegal na aktibidad at paghahain ng reklamo sa sinumang kawani o opisyal ng lokal na pamahalaan na umaabuso sa tungkulin.
Sa pagpasok pa lamang sa tanggapan ng MPAAT, agad na irerekomenda sa sinumang hihingi ng tulong ang opisyal na kanilang dapat na kausapin.
Dito ay hindi na kailangan pang maghintay ng matagal ang mga hihingi ng tulong.
Ayon naman kay Estrada, ito’y upang maging mabilis ang aksyon ng city government sa mga Manilenyo.
- Latest