Pekeng pera ipinambayad sa kuryente
MANILA, Philippines - Tinangkang ipambayad umano ng isang retiradong bumbero ang pekeng pera sa kanyang electric bill na nabisto ng empleyado ng Manila Electric Company (Meralco), kamakalawa ng hapon sa Caloocan City.
Inireklamo sa Caloocan City Police ng kinatawan ng Meralco na si Donna Jane del Rosario, 28, ang suspek na isang Roger Colmo, 56, ng Mabini St. Brgy. 18, Caloocan City.
Sa reklamo ni Del Rosario, nagtungo sa Meralco-Caloocan branch sa Sangandaan si Colmo dakong alas-2:30 ng hapon upang magbayad ng kanyang bill na aabot sa P1,510.
Nang binibilang ni Del Rosario ang perang iniabot ni Colmo, napansin nito ang isang P100 bill na kahina-hinala ang katangian.
Iginiit ni Del Rosario na ipa-eksamin ang naturang pera sa Bangko Sentral ng Pilipinas ngunit tumanggi ang suspek at umalis. Agad namang iniulat ni Del Rosario ang insidente at isinuko ang naturang pera para sa beripikasyon.
- Latest