MRT, nagka-aberya ulit
MANILA, Philippines – Matapos magpatupad nang pagtaas ng singil sa pamasahe ay muli na namang nagkaaberya ang biyahe ng Metro Rail Transit (MRT), kamakalawa ng gabi.
Ayon kay MRT Director Renato San Jose, nalimitahan ang operasyon ng MRT sa pagitan ng Shaw Boulevard at Taft Avenue dahil sa aberya dakong alas-8:00 ng gabi.
Sinabi ni San Jose na ang aberya ay bunsod ng naging problema sa nasirang riles ng tren sa northbound lane ng Santolan Station.
Dahil dito maraming pasahero ang na-istranded sa pagitan ng Santolan at Ortigas station.
Matatandaang nagpatupad ng mas mataas na singil sa pasahe ang MRT nitong Enero 4 lamang kasabay nang pangakong makatutulong ito sa pagbibigay nila ng mas mahusay na serbisyo sa mga mananakay. Ang maximum fare ng MRT ay nagtaas mula sa dating P15 at naging P28 na.
Ang MRT ang siyang nag-uugnay sa North Avenue sa Quezon City at Taft Avenue sa Pasay City, sa pamamagitan nang pagdaan sa kahabaan ng Epifanio delos Santos Avenue (EDSA).
- Latest