Tuwing bagong taon paggamit ng paputok ipagbabawal sa QC
MANILA, Philippines – Matapos ang matinding sunog na naganap sa may Bgy. Apolonio Samson na puminsala sa may halos 200 bahay, plano ngayon ng lokal na pamahalaan ang pag-ban sa paggamit ng paputok sa lungsod.
Ayon kay Mayor Herbert Bautista, kinokonsidera nila ang ganitong uri ng posibilidad upang hindi na maulit ang ganitong pangyayari.
Sa nangyaring sunog na sanhi ng kwitis, tatlo ang iniulat na nasawi, habang dalawa pa ang nasugatan, kabilang ang isang bumbero na naputulan ng mga daliri. Sabi ng alkalde, pinag-aaralan nila ang pagba-ban sa paggamit ng paputok sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Samantala, patuloy ang tulong na ipinapadala ng city hall sa mga naapektuhang pamilya sa sunog na nanatili sa covered court ng nasabing barangay.
Nagbibigay na rin ng gamot ang local na pamahalaan dahil marami nang nagkakasakit tulad ng ubo at sipon, dulot ng nararanasang malamig na panahon.
Ilan sa mga residente rin ang nagsipagbalikan na rin sa kanilang lugar upang ayusin ang nasunog nilang tahanan na gagawin nilang pansamantalang tuluyan.
Naunang sinabi ng alkalde na hihilingin niya sa national government ang agarang pagpapatupad ng permanenteng relokasyon para sa mga naapektuhang pamilya upang hindi na bumalik ang mga ito sa dati nilang lugar.
Giit ng alkalde, ang nasabing lugar ay pag-aari na umano ng isang pribado na kanya ring kakausapin upang magbigay tulong sa mga pamilya dito para sa relokasyon.
- Latest