LTFRB handang tumanggap ng sumbong ngayong holiday season
MANILA, Philippines – Binuksan ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) ang pintuan para tumanggap ng mga reklamo na karaniwang nagaganap tuwing holiday season laban sa lahat ng uri ng mga pampasaherong sasakyan.
Sa isang panayam, sinabi ni Engr Ronaldo Corpuz, board member ng LTFRB, karaniwang reklamo tuwing holiday season ay ang pagka cutting trip ng mga passenger vehicles dahil sa tindi ng traffic sa mga lansangan lalu na sa mga daan na malapit sa malls at mga pamilihan.
Pero sinabi ni Corpuz na dapat ireklamo sa ahensiya ang mga ganitong paglabag na ginagawa ng mga PUVs.
Kadalasan itong nasusumpungan base sa mga ulat na natanggap ng ahensiya sa mga bumibiyaheng mga bus at jeep sa kahabaan ng Quezon Avenue, Kamuning, Mindanao Avenue sa Quezon City at Quiapo area sa Sta Cruz, Divisoria area sa Maynila dahil sa matinding traffic na ayaw nang suungin ng mga driver dahilan para maglakad ang mga pasahero ng ilang metro para makarating sa kanilang destinasyon.
“Pag may reklamo kayo isumbong ninyo sa amin para maaaksiyunan at mapatawan namin ng parusa ang mga lumalabag sa isinasaad ng kanilang prangkisa” pahayag ni Corpuz.
Sinasabing isa ring reklamo sa LTFRB ay ang mataas na singil sa pasahe sa mga AUVs na halos lahat ay sila ang nagtatakda ng pasahe ng mga pasahero.
“Ang bayad sa AUV dahil point to point yan ay P2.00 per kilometer. Hindi puwedeng magtaas ng mas mataas diyan ang mga AUVs, ireklamo ninyo sa amin ang mga nag-oover-charging dahil may parusa yan,” paliwanag pa ni Corpuz.
Tampulan ng reklamo ang mga AUVs na may terminal sa North Edsa sa QC kung saan ang biyaheng North Deparo ay kumokolekta ng P45.00 kada tao sa kabila na dapat ay P30.00 lamang bukod pa sa sumbong na hindi nagbibigay ng discount sa senior citizen at mga mag-aaral.
- Latest