MCJ inspeksiyunin -- Manila dad
MANILA, Philippines – Inirekomenda ni Manila 4th District Councilor Anton Capistrano ang pagsasagawa ng inspeksiyon sa Manila City Jail (MCJ) upang matiyak na walang mga kontrabando ang naitatago sa mga selda.
Ang rekomendasyon ni Capistrano ay bunsod na rin ng mga natuklasang mamahaling gamit, baril at shabu sa loob ng New Bilibid Prison noong nakaraang linggo.
Ayon kay Capistrano, ang MCJ ay dapat na magsilbing rehabilitasyon ng mga nagkasala sa batas at hindi lugar ng pagsasanay para sa iligal na transaksiyon ng mga suspek.
Bilang chairman ng Committee on Public Safety at Peace and Order, sinabi ni Capistrano na kailangan na mamonitor at mabantayan rin ang mga preso mula sa MCJ kaugnay sa posibleng transaksiyon gamit ang mga cellphones.
Aniya, hindi biro ang nadiskubre sa NBP ni Justice Secretary Leila de Lima na magagarang gamit, pera, baril at shabu na indikasyon lamang na malawak ang operasyon ng mga sindikato sa loob ng piitan.
Hindi rin umano imposible na mangyari ito sa mga city jail kung nakagagamit ng CP ang mga preso upang makapagtransaksiyon kasabwat ang ilang mga jailguard.
Dahil dito, sinabi ni Capistrano na irerekomenda din niya sa Department of Interior and Local Government (DILG) at sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang pagsasagawa ng sopresang pagsalakay sa MCJ upang on the spot na mahuli ang mga nagsasagawa ng anomaly gayundin ang mga jailguard na nakikipagsabwatan.
- Latest