Nguso ng mga baril sa NPD, tatapalan na
MANILA, Philippines – Muling tatapalan ng mga pulis ng Northern Police District (NPD) ang nguso ng kanilang mga baril ngayong Lunes para sa taunang kampanya laban sa iligal na pagpapaputok ng baril habang papalapit ang Pasko at Bagong Taon.
Base sa memorandum na inilabas ng National Capital Regional Police Office (NCRPO), ipinag-utos ni NPD Director, Chief Supt. Jonathan Miano ang pagkakabit ng masking tape sa nguso ng baril ng lahat ng kanilang mga tauhan. Pipirmahan ng station o unit commander ang nguso ng mga baril upang makatiyak na hindi mapepeke ito ng mga pulis.
Isasagawa ang ceremonial taping of firearms sa tapat ng NPD ngayong Lunes ng umaga habang inatasan ang mga hepe ng mga istasyon at unit ng ulat sa ginawang kaukulang aksyon.
Taunang ginagawa ito upang mamonitor kung sino sa mga pulis ang nagpaputok ng kanilang service firearm ng hindi naman kinakailangan. Sa mga nakalipas na taon, palaging itinuturo sa mga pulis ang mga insidente ng “indiscriminate firing” sa selebrasyon ng Bagong Taon.
Samantala, inatasan naman ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang mga istasyon ng pulisya na maghanda ng ulat ukol sa mga tinamaan ng ligaw na bala sa kani-kanilang mga nasasakupan.
- Latest