12 sugatan sa salpukan ng PUJ at bus
MANILA, Philippines – Labindalawa katao ang iniulat na nasugatan, kabilang ang isang pedestrian sa salpukan ng isang pampasaherong bus at isang pampasaherong jeepney sa loading bay ng Quezon Avenue sa lungsod kahapon ng umaga.
Ayon sa ulat, ang mga sugatan, kung saan apat na pasahero ng jeepney at pitong pasahero sa bus na nagtamo ng mga galos, gayundin ang isang pedestrian ang agad namang nalapatan ng lunas ng rumispondeng QC rescue team.
Base sa inisyal na ulat, nangyari ang insidente, ganap na alas 8 ng umaga sa loading bay ng Quezon Avenue tapat ng Fisher Mall sa lungsod.
Ayon sa driver ng pampasaherong jeep na si Feliciano Ramos, paalis na siya sa loading bay matapos magbaba at magsakay ng pasahero nang biglang bumangga sa likuran ng kanyang minamaneho ang pampasaherong bus.
Sa pagkakabangga, nauga ang kanyang pasahero sanhi para masaktan ang mga ito at magtamo ng galos.
Katwiran naman ni Antonio Mercado, driver ng bus, hindi umano kumakapit ang preno ng kanyang sasakyan kaya nagdesisyon siyang idaan ito sa gutter sa gilid ng footbridge para mabawasan ang impact.
Subalit may isang babae na kabababa lang ng footbridge ang kanyang nahagip, bago pa bumangga sa jeep.
Sa kasalukuyan, ang kaso ay hawak ng Quezon City Traffic Sector 1 na nagsasagawa pa ng pagsisiyasat hanggang sa kasalukuyan.
- Latest