Biktima ng serial rapist sa Caloocan umabot na sa 17
MANILA, Philippines – Pito pang kababaihan ang lumutang sa loob lamang ng isang linggo at pawang nagharap ng kasong rape laban sa 42-anyos na tinaguriang serial rapist sa Caloocan ang nadakip kamakailan
Dahil dito, umaabot na sa 17 ang pormal na nagharap ng kaso laban dito.
Hanggang kahapon, nasa siyam na kaso na mula acts of lasciviousness at rape ang naisampa sa iba’t ibang korte sa Caloocan at Bulacan laban kay Albert Biol.
“Matapos na maaresto si Biol, nagsilutangan na ang mga naging biktima. Dito makikita ang laki nang nagawa nitong krimen,” pahayag ni PO3 Alcee Jumaquio, may hawak ng kaso.
Sa siyam na complainants, dalawa rito ang menor de edad, apat ay may asawa o kinakasama, isa ay service crew ng isang kilalang food chain, isa ay therapist at ang isa ay 18-anyos na estudyante.
Idinagdag pa nito na maging ang iba pang naging biktima ay nagpahayag na rin ng kanilang intensyon na magsampa ng kaso.
Magugunitang si Biol ay nadakip matapos itong manloob sa isang bahay sa Bankers Drive, Bankers Village kung saan pinatay pa nito ang biniktima. Natunton ng pulisya si Biol sa Bernardino Hospital habang nagpapagamot dahil sa sugat sa ulo makaraang manlaban ang kanyang biniktima.
Habang isinasagawa ang imbestigasyon dito na may kinalaman sa panloloob at pagpatay ay naglutangan na agad ang may 10 kababaihan na positibong nagturo sa suspects na siyang humalay sa kanila sa iba’t ibang insidente noong nakaraang buwan.
Nabatid na nagpapanggap itong balut vendor habang naghahanap ng kanyang bibiktimahin. Kapag nasiguro nito na nag-iisa ang babaeng biktima kumakatok ito sa bahay at saka doon magdedeklara ng holdap. Madalas ay kanya pang hinahalay.
- Latest