2 na namang estudyante, dinukot sa Makati City
MANILA, Philippines – Dalawa na namang estudyante ang umano’y dinukot ng mga kalalakihan na naka-bonnet at nakasakay sa isang Toyota Grandia, kamakailan sa Makati City.
Ang isa sa dalawang biktima ay itinago sa pangalang Liz, 15, 4th year high school student ng Pio Del Pilar High School habang inaalam pa ang pangalan ng isa pang biktima na naka-school uniform din.
Lumalabas sa report na natanggap ni Senior Supt. Ernesto Barlam, hepe ng Makati City Police, base sa naging pahayag ng biktimang si Liz, naganap ang insidente alas-7:00 ng gabi (Nov 25, 2014) sa Kalayaan Avenue, panulukan ng P. Burgos St., Brgy. Poblacion ng nabanggit na lungsod.
Ayon sa biktima, habang siya ay naglalakad sa naturang lugar, biglang sumulpot ang isang Toyota Grandia na hindi naplakahan at sakay ang dalawang kalalakihan na naka-bonnet.
Biglang lumabas ang mga suspek at tinakpan ng mga ito ng panyong may kemikal ang kanyang ilong dahilan upang mahilo at agad na ipinasok sa naturang sasakyan.
Dito nakita ni Liz na nasa loob din ang isa pang babaeng biktima na nakasuot ng school uniform.
Ayon pa kay Liz, ginulpi silang dalawa ng mga suspek habang sila ay nasa loob ng sasakyan. Pagsapit umano sa Clean Fuel Gasoline Station na matatagpuan sa Vito Cruz St., Brgy. San Antonio Village ng naturang lungsod ay huminto ang sasakyan para magpakarga ng gasolina ang mga suspect. Bumaba rin ang mga suspek upang mag-CR at dito ay tiniyempuhan ng mga biktima ang pagkakataon at nagawa nilang makatakas mula sa naturang sasakyan.
Matapos ay kaagad na nagtungo ang mga biktima sa barangay at humingi sila ng ayuda sa mga opisyal dito.
- Latest