Tsuper itinumba sa ipinapasadang tricycle
MANILA, Philippines – Wala nang buhay nang matagpuan ang isang driver sa loob ng kanyang ipinapasadang tricycle dahil sa tama ng bala ng baril sa may tainga, kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.
Nakilala ang nasawi na si Peter Bernardo, 37, ng Susano Road, Brgy. San Agustin, Novaliches, Quezon City.
Sa inisyal na ulat ng pulisya, nadiskubre ang wala nang buhay na si Bernardo sa loob ng kanyang tricycle dakong alas-8 kamakalawa ng gabi sa kanto ng Evergreen Avenue at Orchid St., Evergreen Executive Village, Brgy. 171 Bagumbong, ng naturang lungsod.
Nabatid na nadiskubre ang bangkay ni Bernardo ng mga kapwa nito tricycle driver na pumapasada sa lugar. Sa pagsusuri ng mga imbestigador, napag-alaman na nagtamo ito ng tama ng bala ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril sa may kaliwang tainga.
Bago ang pagkakadiskubre, huling nakita ang biktima na namamasada at sakay ang dalawang hindi nakilalang pasahero. Isa sa tinitingnang anggulo ay kung panghoholdap ang motibo ng krimen o kaya ay personal na galit.
- Latest