Klase sa Rizal High School, suspendido dahil sa ‘bomba’
MANILA, Philippines – Sinuspinde ang klase sa Rizal High School sa Pasig City matapos na isang kahina-hinalang device na napagkamalang bomba ang natagpuan sa loob ng isa sa mga palikuran nito kahapon.
Sa ulat ng Pasig City Police Explosives and Ordnance Division (EOD), nabatid na pasado alas-9:00 ng umaga nang madiskubre ng mga estudyante ang naturang device sa loob ng paaralan na matatagpuan sa Dr. Sixto Antonio St., sa Brgy. Caniogan, Pasig City.
Ang naturang device ay gawa sa cellular phone, batteries, analog watch at mga wiring, na kinabitan ng limang pirasong improvised na dinamita na gawa sa card board at pulang crepe paper.
Kaagad namang pinalabas ng pamunuan ng paaralan ang mga estudyante, mga guro at lahat ng empleyado at ipinasiyasat ang natagpuang device sa mga awtoridad.
Nang suriin, lumitaw na walang panganib na sumabog ang device dahil buhangin lamang ang laman nito kaya’t ayon sa mga awtoridad ay tiyak na pananakot lamang ang motibo ng pag-iiwan ng device sa palikuran.
Sa kabila naman nito, ininspeksyon pa rin ng mga awtoridad ang bisinidad ng paaralan upang matiyak na wala talagang banta ng pambobomba roon.
Inaalam na rin ng mga awtoridad kung sino ang may kagagawan ng naturang pananakot.
- Latest