Rollback sa pasahe sa jeep, lumabo – LTFRB
MANILA, Philippines – Lumabo na maipatupad ang rollback sa pasahe sa mga pampasaherong jeep, para gawing P8.00 ang kasalukuyang P8.50 minimum fare.
Ito ayon kay Engr Ronaldo Corpuz, board member ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), ay dahil sa hindi naman lumalabas ang mga petitioner ng 50 cents fare rollback nang magpatawag sila ng hearing para rito.
Wala rin anyang iba pang nagpa- file ng bawas pasahe sa LTFRB at papasok na anya ang buwan ng Disyembre ay malamang na gahol na sa oras upang mabusisi pa ngayong taon ang usapin.
“Umatras na yung petitioner ng fare rollback, wala namang iba na nagpa-file para rito tsaka gahol na rin sa panahon kung me mag-file pa na iba dahil sasalang pa ito sa mga series ng hearing bukod sa ipa-publish pa yan sa general circulation, wala ng oras yan,” pahayag ni Corpuz.
Kung may mag-file man anya ng petisyon para sa bawas pasahe ay sa susunod na taon na ito uupuan ng LTFRB para mabusisi.
Una rito, ilang grupo ang naghahangad na magkaroon ng bawas pasahe sa jeepney at iba pang passenger vehicles tulad ng Public Commuters Motorists Alliance (PCMA) dahilan sa sunod sunod na oil price rollback.
- Latest