HR manager patay sa QC ambush
MANILA, Philippines - Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang Human Resources manager makaraang pagbabarilin ng isa sa apat na armadong lalaki sa Panay St., lungsod Quezon, kamakalawa ng gabi.
Nakilala ang nasawing biktima na si Menchu Gochingco, 42, HR manager ng Monolith Construction .
Ayon kay PO2 Rhic Roldan Pittong, imbestigador sa kaso, apat ang itinuturing na suspek sa krimen, subalit tanging isa lamang umano sa mga ito ang siyang bumaril sa biktima, at nagsilbing back up ang ibang kasamahan nito.
Nangyari ang insidente sa harap ng isang bahay sa Panay Avenue, Brgy. Paligsahan, alas- 6:10 ng gabi.
Sakay umano ang biktima ng kanyang kulay itim na Toyota Vios (PQW-120) papauwi sa kanilang bahay at dahan-dahan ang takbo dahil sa trapik sa lugar nang biglang lumapit ang isang lalaki at pinagbabaril ito sa ulo ng ilang beses.
Matapos ang pamamaril ay agad na sumakay ang gunman sa isang kasamahang nasa motorsiklo habang ang isang motorsiklo naman ay nagsilbing back up saka nagsipagtakas.
Sinasabing, bago tuluyang umalis, siniguro pa ng isa sa mga kasamahan ng suspek ang kalagayan ng biktima.
Sa pagresponde ng mga barangay tanod sa lugar ay agad na itinakbo nila ang biktima sa Capitol Medical Center, subalit idineklara rin itong patay dahil sa mga tama ng bala sa kanyang katawan, ganap na alas-7:15 ng gabi.
Base sa pahayag ng kaanak ng biktima, maaring may kinalaman sa trabaho nito ang motibo sa pamamaslang dahil ito ang humahawak ng mga labor cases ng kompanya.
Samantala, nagpalabas na nang carthographic sketch ang QCPD sa dalawang suspek sa pananambang sa biktima, isa sa mga ito ay nasa edad na 40, may taas na 5’6’’-5’7’’, katamtaman ang katawan; moreno at naka clean cut na parang pulis ang buhok; habang ang isa naman ay may edad 30 pataas, may taas na 5’5’’-5’6’’, may katabaan ang katawan, kayumanggi ang balat, at kulot ang buhok.
- Latest