7 motor shop ipinasara
MANILA, Philippines - Sinalakay at ipinasara kahapon ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang pitong tindahan ng motorsiklo sa Caloocan City dahil sa sari-saring paglabag sa pagbabayad ng buwis.
Dakong alas-9 ng umaga nang magsagawa ng ‘Oplan Kandado’ ang BIR sa pangunguna nina Revenue Region 5-Caloocan, Director Gerry Florendo, Asst. Director Grace Javier, at Region 5 Investigation Division head Dennis Floresca ang mga tindahan ng motorsiklo at spare parts sa may Marcelo H. Del Pilar St., ng naturang lungsod.
Kabilang sa mga ikinandadong tindahan ang 2 Wheelers Motor Parts, X-Power shop na pag-aari ni Analie Francisco, Roldan Cyclemate Corp., Jew Motor World na pag-aari ni Kristine Benitez, Suncrest Motorplace, Series Motor Workx, at Cyclone Commercial na pag-aari ni Yoning Raspado.
Ayon kay Florendo, kabilang sa mga paglabag na kanilang namonitor sa mga naturang tindahan ang 30% underdeclaration ng kabuuang benta, pagkabigo na makapagparehistro bilang “VAT establishments”, hindi pag-iisyu ng resibo, at invoice.
Ito ay resulta rin umano ng mga sumbong na nakarating sa BIR buhat sa mga kliyente ng naturang mga motor shops.
Nakatakda namang sampahan ng kasong paglabag sa Internal Revenue Code of the Philippines ang mga may-ari ng mga establisimiyento.
- Latest