Sa Quezon City pulis sugatan sa holdaper
MANILA, Philippines - Sugatan ang isang parak makaraang mabaril ng isa sa umano’y dalawang holdaper/snatcher nang rumiresponde sa ginawang panghahablot ng mga huli sa bag ng kanilang biniktima sa lungsod Quezon, kahapon ng umaga.
Ayon sa ulat ng pulisya, nakilala ang sugatang pulis na si PO3 Armand Soliven na ngayon ay nakaratay sa Labor Hospital dahil sa isang tama ng bala sa kanyang kanang hita at kanang balikat.
Si Soliven ay nasugatan matapos na umaksyon sa tawag ng tungkulin nang makita nitong humihingi ng tulong ang biktimang si Cristina Natividad, 28, isang offfice staff.
Samantala, agad namang naaresto sa follow-up operation ang suspek na nakabaril kay Soliven na si Delfin Obaña, 47, tricycle driver.
Personal itong kinilala nina Natividad at Soliven makaraang iharap kahapon ni QCPD director Senior Supt. Joel Pagdilao matapos maaresto. Patuloy naman ang pagtugis sa kasamahan nito na si Ferdinand Tolentino, 29.
Sa imbestigasyon ni PO3 Jaime De Jesus ng QCPD-Criminal Investigation and Detection Unit, nangyari ang insidente sa may P. Tuazon corner 20th Avenue, Brgy. Tagumpay, sa lungsod ganap na alas -5:20 ng umaga.
Ayon kay Natividad, sakay siya ng isang pampasaherong jeepney na may biyaheng Cubao Alimall nang pagsapit sa 20th Avenue ay sumakay ang apat na kalalakihan.
Pagsapit sa may stop light ay bumaba ang nasabing mga kalalakihan, subalit ang pinakahuli sa mga ito ang bigla na lamang hinablot ang kanyang bag, saka naglakad papalayo sa lugar.
Agad na nagsisigaw ng saklolo si Natividad, kung saan tiyempo namang naroon si PO3 Soliven na patungo sa kanilang tanggapan at nakita ang mga suspek, subalit pinaputukan siya ng huli at masugatan.
- Latest